Limang Kuwentong Walang Kinalaman sa Isa’t Isa

Limang Kuwentong Walang Kinalaman sa Isa’t Isa

Gumuguho ang mga bagay, naisip ng batang naglalaro ng lutu-lutuan, pero hindi ito iyong sa paraan na p’wedeng maintindihan ng matatanda. Kaya siya binabantayan, kaya maya’t-maya ang silip dito ng ateng nasa kalagitnaan ng pagpiprito ng isda. Humuhuni ang bata at naririnig ng ate ang pagtuktok ng plastik na siyanse sa plastik na kawali na nakapatong sa plastik na kalan, habang ang bata na rin mismo ang gumagawa ng tunog ng apoy. Binalikan ng ate ang kanyang niluluto’t ibinilíng ang maya-maya upang ang isa namang pisngi ang madarang sa tumuturit-turit na mantika. Pumangit na ang bida sa panghapong telenobela, binuhasan kasi ito ng kontrabida sa mukha ng kumukulong mantika; magkakakilala pa kaya sila ng lalaking kanyang minamahal? Natalmsikan ang ate at umaray siya at umaray din ang bata pero hindi niya ito pinuntahan bagkus pinagtawanan pa nga ang kamusmusan. Umaray ang bata hindi dahil natalamsikan siya kun’di dahil nang ililipat na niya ang bandehado’y biglang may sumagi sa kanyang isip at natabig niya ang plato at nabasag ‘to sa kanyang paanan at dahil sa gulat, dahil sa taranta, hindi niya nalaman ang unang sasaluhi’t nabitiwan din niya ang hawak na lutua’t nalambungan ang kanyang paa ng umaasóng ispageti; nagkaluray-luray ito sa sahig at nagmarka ro’n ang sauce. Inantay niyang lumitaw ang kanyang ate ngunit buti na lang at hindi ito dumating. Ibabalik niya ang ispageti sa kawali’t itatago ang nabasag na plato’t maglalabas na lamang ng panibago. Kumuha siya ng malinis na basahan at matiyagang ibinalik sa kawali ang handa, paulit-ulit, hanggang sa wala nang natira sa sahig ni katiting na bahid ng pula. Pagkabangu-bango’t pagkasarap-sarap. Siguradong mas magugustuhan iyon ng kanyang mama’t papa kaysa sa ihahaing isda ng ate niya.
*
Fig 2. Amihan Sombillo, “Laman-loob Pinaluwa sa Away-Trapiko”, Abante Tonite, Disyembre 3, 2012. Detalye ng ulat.
Fig 2. Amihan Sombillo, “Laman-loob Pinaluwa sa Away-Trapiko”, Abante Tonite, Disyembre 3, 2012. Detalye ng ulat.
*
Huli na nang mapansin ng nag-iisang anak na may pintuan pala ro’n at pababa ‘yon sa bodega. Hindi na niya narinig na tawagin siya ng kanyang asawa; dito siya ipinanganak, nakipaglaro ng taguan sa mga kapitbahay, nagbinata, nakipagtalo sa kanyang ama sa pag-uwi ng gabi’t nakipaghalakhakan sa ina sa mga gabi ng bagyo, ngunit bakit ngayon lang ‘to nagpapansin, nagpakita? Gusto niyang isigaw sa kanyang misis at anak na naghihintay kasama ng trak na biglang may lumitaw na bodega pero para ano? Baka pagbalik niya’y wala na ‘to. Kinabig niya ang pinto’t katabi ng lagusan ang switch ng ilaw. Umalipugpog ang liwanag gaya ng pag-alipugpog ng mga alikabok at binilang niya ang baitang pababa, labing-lima, at paglingon niya’y sumarado na ang pinto.

Wala siyang marinig liban sa sarili niyang pintig at ang tunog ng paglunok ng laway sa natuyong lalamunan. May isang higanteng hugis ang natatalukbungan ng puti. Nakapalibot iyo’t nakadikit sa dingding na animo uka-ukang likod ng isang ahas at ang dulo ng kumot ay nasa kanya lamang tabi. Hinigit niya ‘to ng dalawang kamay. Gusto niyang magitla pero bakit ba naman siya magigitla sa isang bloke ng bato? Natawa siya sa kaululan at sa kawalan nito ng silbi. Nagpasya na siyang aakyat nang sa gilid ng kanyang mata, sa kabilang bahagi ng bloke ng bato kung sa’n ‘to animo nagsisimula ay may hindi siya inasahang mahagip: Ang kanyang pangalan – kinuha niya ang kanyang antipara at dinaliri ang lilok at saglit siyang nakaramdam ng kung anong pagkakadagan – at hindi iyon do’n nagtatapos, bahagi iyon ng isang mas malaki pang pangungusap na nakalatay sa kabuuan ng bloke.

Binasa niya iyon. Binasa niya at namangha siya dahil hindi lamang ang pangalan niya ang naro’n kun’di pati na rin ang pangalan ng kanyang ama’t ina hanggang sa pinakakanunununuan nila, gano’n din ang sa kanyang asawa, at maging ang mga nobyo ng kanyang anak at mapapangasawa, at sa tuwing may pangalang nagtatagpo, nagsasanga ang pangungusap sa isa pang pangungusap sa isa pa uling pangungusap at bubuo naman ito ng panibagong pangungusap kun’sa’n-kun’sa’n, ay, kaululan! Sa katagalan, no’n lamang niya napagtantong ikinukuwento pala nito ang mismo nilang mga buhay, mula sa inaasahan nitong pagsisimula at lagi’t lagi nitong nakagigitlang katapusan. Napagal siya, nauhaw at nagutom, ngunit hindi niya alam kung bakit hindi siya huminto.

Marahil, wala na ang kanyang misis at anak, nauna na sa kanilang bagong lilipatang kondo; marahil nagdaan na ang ilang mga araw, buwan, at taon, ngunit pilitin man niyang magpahinga’y hindi niya magawa ‘pagkat ngayong nakatayo na siya sa gitna ng bodega’y nakita niya ang kabuuan ng lahat ng mga bagay at ang kanilang pagkakadugtung-dugtong, hindi lamang ang pagsasala-salabat ng mga pagkakakilanlan, kun’di mula pa sa kaliit-liitang atomo patungo sa pinakamalayo’t pinakamalaking tala na ni sa hinagap ay ‘di niya inakalang kanyang makapipisan. Pa’no ‘to naitago sa ‘kin, urirat niya sa wala at no’n lamang niya naramdaman na tumulo ang kanyang pawis gaya ng nakasaad sa bato, na tutulo ang kanyang pawis at itataas niya ang kanyang kamay at makikita niyang kulu-kulubot na iyo’t pinepekas at may maririnig siyang musika mula sa taas.

Aakyat siya at sa bawat hakbang mararamdaman niya ang bigat. Pagdating sa tuktok, pagbukas niya sa pintong ‘di niya maalalang umingit kahit na ba alam niyang kanina lamang siya pumanaog, kapwa sila magugulat at mahihintakutan ng isang pamilyang no’y naghahapunan sa isang pagkagara-garang komedor; dali-daling kikipkipin ng ama ang kanyang mag-iina at itatanong kung sino siya at tatawag ako ng pulis at anong ginagawa mo sa pamamahay ko, umalis ka! Hindi niya masabing bahay ko ‘to dahil hindi naman na talaga at kanina pa siya nakatitig sa kanyang sarili sa salamin, matang natatabunan ng lupi at dagim. Humihingal, uupo siya sa pinakamalapit na silya habang ang pamilya’y nagkumpol na sa isang sulok. At ang unang sasambitin ng bitak niyang tinig, baka p’wede muna ‘kong makahingi ng isang basong tubig?
*
Pagkatapos makipagkangkangan ng Dalaga sa Binata, nakatulog ito sa kanyang tabi. Pinagmasdan niyang maigi ang titi at sa ilalim ng balat, ang ipinagmamalaking bolitas. Nang ‘tinanong niya rito kun’sinong kasama niyang nagpalagay no’n, ang sagot nito’y ang matalik niyang kaibigan, si George. Nakana na rin siya si George; malamang nakana na nila pareho.

Pinagulong niya sa kanyang palad ang bolitas at unti-unti ulit nanigas ang titi; maliit. Hindi nagising ang Binata. Kinumutan niya ito’t naghihikab na pumunta sa banyo para linisan ang kanyang puking tinutuluan pa ng tamod; pagkayari, humarap siya sa salamin at kinutkot ang munting sugat sa gilid ng kanyang bunganga. Ang sabi niya rito’y singaw lamang ‘yon pero dahil talaga ‘yon sa herpes; okay lang, naggagamot naman na siya.

Nasusulak siya sa amoy ng kuwarto, sa pinaghalong beha, nalumlom na tuwalya’t baby powder at natuyong hair gel at kung anong deodorant at kaya dali-dali siyang nagbihis; Faith, Hope, Charity ang nakalagay sa ilalim ng mukha ng santang patrona ng kanilang eskuwela. Nawawala ang isa niyang medyas at yumukod siya para hanapin ‘to sa ilalim ng kama: may nakapa siyang patay na ipis (yak!), mga gamít na kondom, tisyu, lata ng beer, babolgam, ang kanyang medyas (na dali niyang hinugot at ‘sinuot) at saka isang pinaglumaang kahon ng sapatos. Umupo siya sa paanan ng kama, ang kanyang mukha sa tabi ng nababalatang talampakan. Binuksan niya ang kahon; may bumagsak at kumalat at naglipana; hindi niya alam kung matatawa siya o magagalit o maiiyak sa kanyang nakita. Mga retrato. Sino ba namang tanga ang magtatago ng mga ‘to sa ilalim ng kama nila? Kumuha siya ng ilan nang hindi alam kung bakit, inipit sa isa niyang kuwaderno’t muling ibinalik ang kahon sa ekstakto nitong posisyon. Ipase-Xerox niya ‘to’t ipagkakalat. May malaking posibilidad na ma-kickout ang Binata pero ano naman ‘yon sa kanya; bukas pag-uusapan siya nito at ni George at ng kanilang mga kabarkada at babansagan siyang puta (paki ko, hindi naman na ‘yon bago!); sa bestfriend niyang si Erna naman talaga ‘to may kursunada at hindi sa kanya. Papalabas, nasalubong ng Dalaga sa may likmuan ang uncle nitong marino at magiliw siyang inanyayahang magmerienda muna. Tinitigan niya lamang ‘to nang pagkaigi-igi – pinigilang tumawa at nagpasalamat, nagpaalam na kailangan na niyang umuwi dahil totoo namang marami pa siyang tatapusing takdang-aralin.
*
Kinikilig nang matindi ang aleng tindera ng kendi sa tuwing bibili sa kanya ang guwardiya. Bente pa lang ito’t siya nama’y magsisisenta na sa katapusan. Matatawa ka pagkayari mong mabasa ang mga detalyeng ito o kun’di ma’y makararamdam ng kaunting pagkasulak. Saan ba kasi nanggagaling ang kilig? Ano pa nga ba’t tinutumbas natin ‘to sa isang bungang kapipitas, nagbabadya ng tamis at katas? At marahil nangingimi tayong ihambing ang isang sisenta años na ale sa isang prutas; kung siya’y ubas mas pipiliin pa natin siyang isipin bilang pasas. Ngunit malinamnam din ang pasas, mas matamis pa nga minsan sa ubas kaya naman madalas ipinagbabawal sa may mga diabetes. May diabetes ang ating aleng ‘di magkasyang buong araw niya lamang pinagmamasdan ang nililiyag. Matitigilan tayo ulit. Hindi nga ba naman napakapan’lalaking gawain ang lumiyag, hindi ba ito gawain ng isang lalaking tauhan at kailangang matikas at malakas at higit sa lahat kaaya-aya, na siyanganamang katangian ng ating guwardiya. Naaalala niya rito si Philip Salvador no’ng kabataan pa nito; kay lulusog ng mga hita. Hindi maalis sa haraya ng ale kung anong hitsura ng hita’t dibdib ng guwardiya, kung mabuhok ba o makinis, ngunit bagay na gamay na gamay naman na niya sa pagkakahapit pa lamang ng polo’t pantalon, ang pagkapit ng maalinsangang tela sa balat, na malamang sa pananarinla’y nakahihinga na rin sa wakas nang maluwag paghubad sa uniforme pagkatapos nang pagkahaba-haba nitong pagdu-duty. Tuwing dapit-hapon, sinusundo ang ale ng kanyang kapatid sa kanto; hindi niya ito masabi rito. Mas matanda ito sa kanya at kukurutin siya nito sa singit. Tulad mo, iniisip din ng ate ng ale na hindi tama sa babaeng may edad na tulad niya ang makaramdam nang ganoong pakiramdam; papangalanan ng ating ale ang pakiramdam na ‘yon at tatawagin niya itong pagnanasa. Nagnanasa siya. Nagnanasa siya kapag nagsusulsi ng butás na damit, nag-uurong, namamalantsa, namamalengke, nagnanasa siya habang nakatingin sa hubad na katawan ni Hesukristo sa ilalim ng kanyang baro at alampay at stampita, nagnanasa siya ‘pag naghahapunan silang dalawang manang, ‘pag bumibili siya ng sabon, ‘pag siya’y umiihi, at lalong-lalo siyang nagnanasa kapag gahibla na lamang ang lapit ng daliri ng guwardiya sa kanyang palad ‘pag inaabutan siya nito ng barya. Kumakain sila ng kanyang ate at naamoy niya ang amoy nilang matanda, ang magkahalong alabok at balat na unti-unting numinipis at lumalawlaw at kung kaya naman para sa kanya’y siyang nagpapaalingasaw ng pagkainam-inam nilang pagkaagnas. Pagkaagnas at pagnanasa, may relasiyon ang dalawa, hindi nga lamang niya matumbok. Kinabig siya nito, “Nakatulog ka na.” Umiling siya; at pinamulahan.

Na hindi malamang mapupuna ‘pagkat malabo na rin ang mata ng kapatid niya. No’n din, napagpasyahan niyang ipagtapat sa batang guwardiya ang kanyang nararamdaman. Maaga siyang umalis kinabukasan nang ‘di nagpapaalam. Pagdating sa kanto, tulad ng lagi niyang ginagawa, isinalansan niya ang mga kendi batay sa kanilang mga kulay sa kahong may mas maliliit pang partisiyon. Iyon ang pitak ng mga kendi at ito naman ang kanya, ang munting kahon sa gilid ng kalsada. Dito ito mangyayari.

Dito mangyayari ang sa tingin niya’y hindi pa rin nangyayari kahit kailan: Ipagtatapat ng isang sisenta años ang kanyang pagliyag sa isang bente años na guwardiya. Bumukas ang salaming pinto ng gusali; napatungo ang ale. Hindi ang bente años na guwardiya ang lumabas kun’di isang bagong guwardiya, burog ang mukha’t malaki ang tiyan. Humalak ito’t dumura bago lumapit sa kanya at isa-isang nawala ang malilinggit na bula sa lapot ng dahak. Bakit ko ito ginawa, iisipin ‘nyo, bakit hindi ko na lamang sila hinayaang magkatuluyan, bakit pagbukas ng pinto’y hindi ang matikas, malakas, at kaaya-ayang guwardiya ang lumabas, kun’di ang isang ‘to? Bakit, hindi rin ba siya p’wedeng pagtampulan ng kilig at pagliyag?

Itinuro na lamang ng ale ang kahon kung saan ibabagsak ang barya, ang una niyang kita ngayong araw at nagdagdag siya at nagkaltas, ang pag-urong ng imahen ng pasas pabalik sa pagiging ubas. Gusto natin ng kaayusan. Pumangalumbaba siya. Anim na buwan na nga pala ang lumipas, kung gayon, tapos na ang kontrata. Naisip niya na sa bago nitong nilipatan, may isa ring tulad niya, isang sisenta años na ale na mahuhumaling sa isang bente años na guwardiya at hindi lamang iyon at siya kun’di maraming-marami pa. At kung kumirot man ang kanyang puso’y ‘di na niya ‘to ininda ‘pagkat ano nga ba namang kaibahan no’n sa libong tibok nang nagdaan at sa libong darating pa. Ito, sa kanyang tantiya, ang tanging biyaya ng panahon.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Bolitas ni Bayaw (Complete Story)

Bolitas Story: 3 Hari

Ang Bolitas ni Kumpare